Ito yung isa sa mga pinakagusto kong maisabuhay.
Para sa akin, yung mga tinuturo sa atin kung paano mamuhay para mapalapit sa Panginoon ay hindi natin dapat gamitin para husgahan ang ibang tao kung makakapasok ba sila sa paraisong inilaan ng Diyos para sa atin.
Una sa lahat, hindi tayo ang itinakda upang maging Hukom ng mga nabubuhay.
Pangalawa, ang pinakamainam na magagawa natin ay ipagdasal sila, kung tingin talaga natin makasalanan sila. Huwag tayong pumukol kung tayo rin naman ay dapat mapukol.
Pangatlo, baka masyado tayong abala sa pagtingin sa iba, di na tayo nakakatingin sa salamin. At kung tingin natin sapat na yung ginagawa natin, baka naman pwedeng higitan pa natin yung "sapat na," di ba?